Ipinanganak si Bonifacio dito sa Tondo, Maynila sa isang payak na pamumuhay. Bagamat hindi nagtapos ng pormal na edukasyon, si Bonifacio ay nagpursiging magbasa at mag-aral ng sarili. Ang pasisipag at pagtitiyaga ni Bonifacio ang naghubog sa kanyang kamalayan para pangunahan ang pag-aalsa ng bayan laban sa mga dayuhang mananakop.
Mga minamahal kong kababayan, mahigit ng isang daang taon ang nakakalipas mula ng simulan ang himagsikang Pilipino at nagtagumpay ng ating mga bayani na makamtan ang kalayaan ng bayang Pilipinas.
Marapat sigurong tanungin natin ang ating mga sarili:
Tayo ba ay tunay na malaya?
Tinatamasa ba natin ang kalayaan na ipinaglaban at pinagbuwisan ng buhay ng ating mga bayani?
Masasabi ba na ganap na malaya ang isang tao na nakatira sa isang sira-sirang barong-barong?
Masasabi ba na tunay na malaya ang isang tao na walang trabaho at hindi malaman kung paano mapapakain ang kanyang pamilya?
Ganap ba ang kalayaan ng isang Pilipino na hindi masiguro ang kinabukasan ng kanyang mga anak dahil wala siyang perang pampa-aral?
Ang isang taong gutom ay isang taong hindi malaya. Ang isang tao na walang disenteng pamumuhay ay walang kalayaan. Ang kalayaan at ang demokrasya ay walang saysay kung ang mamamayang Pilipino ay naghihikahos sa kahirapan.
Mga minamahal kong kababayan, humaharap ako sa inyo ngayon upang ipahayag ang sama-sama nating pagsisimula ng bagong himagsikang Pilipino! Humaharap ako sa inyo upang ipahayag ang isang bagong rebolusyon na lalaban sa kahirapan at magpapalaya sa ating mga kababayang naghihikahos
Mga kababayan, ako po si Manny Villar, ipinanganak dito sa Moriones, Tondo, Maynila. Diyan po sa ikatlong palapag ng bahay na iyan nagsisiksikan kaming siyam na magkakapatid. Kasama ang aming tatay na isang matapat na empleyado ng pamahalaan at aming ina na isang masipag na tindera ng isda at hipon sa Divisoria.
Dito kung saan tayo nagtitipon ngayong gabi, dito ako naglalaro kasama ang ibang mga bata. Sa gitna ng kahirapan, kami ng aking mga kalaro ay nagtawanan, bumuo ng pagkakaibigan at naghangad ng mas mariwasang buhay. Dito po sa Tondo nagsimulang mangahas mangarap ang isang Manny Villar.
Katulad po ng karamihan sa atin na nagsusumikap upang magkaroon ng disenteng pamumuhay, tumulong ako sa aking ina sa pagtitinda ng hipon upang mapa-aral ang sarili. Natutunan ko sa aking mahal na ina ang isang mahalagang aral ng buhay: ang pangarap ay kayang abutin sa pamamagitan ng sipag at tiyaga.
Sa awa po ng Diyos at sa ating pagsusumikap, ako ay nakapagtapos ng pag-aaral. Ang pagpupursigi kong iyan ang nagbigay sa akin ng pagkakataon na maging matagumpay sa larangan ng pagtatayo ng murang pabahay para sa mga mahihirap at middle class na pamilya.
Ang maikling kasaysayang aking ibinahagi sa inyo ay hindi lamang kasaysayan ng aking buhay. Yan ang istorya ng mga masang Pilipino na nagpupunyagi araw-araw upang mabigyan ng maayos na pamumuhay ang kanilang mga Pamilya.
Ang kwento ng sipag at tiyaga ay hindi lamang kwento ni Manny Villar. Ito ay kwento ng mga Pilipinong lumalaban sa kahirapan. Ito po ang dahilan kung bakit minarapat kong bumalik dito sa Tondo upang simulan nating tuparin ang iisa nating pangarap na makaahon sa kahirapan.
Dahil po sa talamak na kahirapan sa bansa, at dahil sa papalapit na ang halalan, madalas nating maririnig ang katagang “pagbabago”. Mayroon pang mga nagpapahiwatig na sila ang magsasalba sa ating bayan mula sa kasamaan.
Tandaan po ninyo mga kababayan, ang halalang ito ay hindi tungkol sa mga kakandidato. Ang halalang ito ay hindi tungkol sa isang tagapagligtas na mag-aahon sa atin sa pagkakalugmok. Ang halalang ito ay tungkol sa inyo. Ang halalang ito ay tungkol sa mga Pilipinong walang boses sa lipunan.
Sa susunod po na may magsabi sa inyo na ipaglalaban nila ang pagbabago, ang dapat ninyong itanong ay ito: anong klaseng pagbabago ba ang gagawin ninyo? Nauunawaan nyo ba ang lagay at hinaing ng mga mahihirap?
O ang pagbabago bang inyong tinutukoy ay pagbabago lamang ng kung sino ang nakaupo? Ang tunay na pagbabago ay hindi lamang ang pagpapalit ng pangulo. Ang tunay na pagbabago ay yaong pag-angat ng pamumuhay ng mga mahihirap na Pilipino.
Ang atin pag-hihimagsik laban sa kahirapan ay dapat masimulan sa pamamagitan ng maayos pamamalakad ng ating pamahalaan.
Ang unang-una nating dapat gawin ay sugpuin ang katiwalian at pagnanakaw sa gobyerno na nakaka-apekto sa pagbibigay ng maayos na serbisyo publiko sa ating mga kababayan.
Kailangan nating masiguro na may transparency at accountability sa lahat ng transaksyon ng pamahalaan. Lahat ng mga Pilipino ay may karapatan na malaman kung saan ginagastos ng gobyerno ang perang kanilang pinaghirapan!
Mahalaga ding ayusin ang ating ekonomiya upang mabigyan ng trabaho ang ating mga kababayan. Trabahong magbibigay sa kanila ng pagkakataong mapabuti ang buhay ng kanilang pamilya.
Subali’t higit sa pagbibigay ng trabaho, kailangan din nating palakasin ang entrepreneurial spirit sa ating bansa. Ang pamahalaan ang dapat tumugon sa mga pangunahing pangangailangan ng pinakamahirap sa ating mga mamamayan. Pangangailangan tulad ng pagkain, simpleng gamot sa lagnat at pagkakataong tumuntong man lang sa unang baitang.
Kailangan nating siguruhin na lahat ng Pilipino ay magkakaroon ng libre at mataas na kalidad ng edukasyon. Ito ang aral ng buhay ni Jose Rizal at ng iba pang magigiting na Pilipino: ang isang mabuting edukasyon ay susi sa ating paglaya hindi lamang mula sa kamangmangan kundi sa kahirapan ng buhay.
Dapat din nating bigyan ng maayos na pangangalaga sa kalusugan ang ating mga kababayan. Hindi dahilan ang kahirapan upang hindi matugunan ang pangangailangang pang-kalusugan. Walang Pilipinong dapat mamatay sa sakit dahil walang perang pambili ng gamot o pang-ospital.
Kailangan din nating bigyang pagkakataon ang ating mga kababayan na magkaroon ng murang pabahay lalo na para sa ating mga OFWs na bumalik na sa bansa.
Wala dapat squatter sa sariling bansa. ang mga Muslim, Kristyano at Lumad na patuloy na nakikibaka para sa kapayapaan sa kanilang pamayanan.
Kailangan natin ng isang usaping pangkapayapaan na nakatuon upang mabigyang solusyon ang mga ugat na suliranin ng mga kababayan natin sa Mindanao. Ang isang tunay na kapayapaan ay marapat na pandayin at hubugin ng mga kapatid natin sa Mindanao.
Sa aking paniniwala ang pinaka-epektibong paraan upang makamtan ang kapayapaan ay ang pagunlad ng Mindanao. Ang kapayapaan ay hindi lamang kawalan ng giyera, ang kapayapaan ay isang kondisyon kung saan ang mga tao ay may disenteng pamumuhay kung saan nila maaring i-habi ang kanilang mga pangarap sa buhay.
Mga kababayan, napakadami at napakalaki ng ating mga suliraning hinaharap. Napakahirap ng mga suliraning haharapin ng susunod na Pangulo. Ngunit walang pag-aalinlangan kong ipinapahayag sa inyong lahat, na ako, si Manny Villar, ay tatakbo para sa Pagka-Pangulo ng Pilipinas upang magsama-sama tayo sa bagong rebolusyong Pilipino. Isang himagsikan laban sa kahirapan!
Ang kwentong Manny Villar ay kwento ng lahat na hinangad umahon sa hirap. Ang halalang ito ay para sa lahat ng naghahangad magbago ang lagay ng mahihirap na Pilipino. Samahan nyo akong ipaglaban ang pangarap na umahon ang Pilipinas.